Wednesday, October 7, 2009
Itim Na Kaldero
Ang flip-flops ko'y makapal na Rambo
Ito ang nakayanan ng budget ko
Naipon mula sa pinagbentahan ng munggo
Siyang ulam din namin ng isang Linggo
Ang bulsa ko ngayon ay humihingal
Sa tinapa na dati kong almusal
Maging pritong tuyo ngayon ay matumal
Dahil sa halaga ng perang sa mga buwitre ay banal
Talbos ng kamote ay masustansiya
Kahit pa uma-umaga
Kasabay ng Sinangag na dating tutong
Pamatid gutom sa maghapon
Limam-piso bawat galon kung umigib
Panulak ko'y pinakuluang tubig
Ang tingang kumapit sa gilagid
Tinangay ng panulak kong masigasig
Ang lechong pangarap ng dila
Inagaw ng makapangyarihang buwaya
Kinulimbat ang imbakan ng masa
Kayat pagkain nya'y abot ngala-ngala
Kelan kaya ako makakatikim
Ng pang-maharlikang pagkain
Kung ang puso ng mga kumukup-kop sa amin
ay Parang sa kalderong ubod ng itim...
Itim Na Kaldero
by goryo dimagiba : copy right © 2009
Wednesday, September 2, 2009
OFW vs. Buwayang Pulitiko
Ang OFW lumilipad at nagtatrabaho sa ibat-ibang bansa para magkapera
Ang Buwayang Pulitiko tumatakbo sa ibat ibang posisyon sa sariling bansa para magkamal ng pera
Ang OFW nagpapa-alipin sa ibang lahi at tinitiis ang pagkawalay sa pamilya
Ang Buwayang Pulitiko inaalipin ang mahihirap sa pagpapasarap sa buwis ng bayan kasama ang kulasisi at ng ibat-iba niyang pamilya
Ang OFW kumakayod sa ibang bansa para makapag-uuwi ng dolyar dito sa ating bayan
Ang Buwayang Pulitiko nangungurakot sa sariling bayan tapos inilalabas at binabangko ang nakulimbat na pera sa ibang bansa
Ang OFW pinalalakas ang ekonomiya ng bansa dahil sa dolyar na ipinapasok
Ang Buwayang Pulitiko, pinahihina ang ating ekonomiya dahil sa perang kinukulimbat at inilalabas
Ang OFW nagsisikap at nagpupursigi para maitaas ang antas ng kabuhayan ng pamilya
Ang Buwayang Pulitiko ay malaking dahilan kung bakit patuloy ang pagbagsak ng antas ng pamumuhay ng mga maralita
Ang OFW madalas kapit sa patalim
Ang Buwayang Pulitiko kapit-tuko sa pwesto
OFW vs. Buwayang Pulitiko
by goryo dimagiba : copy right © 2009
Sunday, August 23, 2009
Ang Lakas Ng Isang Ama
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lapad ng kaniyang mga balikat.
Ito’y nadarama sa higpit ng kaniyang mga yakap.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lagong at lakas ng kaniyang boses.
Kundi sa marahan niyang tinig.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa dami ng kaniyang mga kabarkada.
Ito’y sa kung paano siya makisama sa kaniyang mga anak.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa kung paano siya tinitingala ng
kaniyang mga ka-opisina.
Ito’y sa kung paano siya iginagalang sa tahanan.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa kung gaano siya katindi sumuntok.
Ito’y sa mapagmahal niyang haplos.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa lago ng buhok sa kaniyang dibdib.
Ito’y sa laki ng pusong tinitibok ay pag-ibig.
Ang lakas ng isang ama’y hindi sa bigat ng kaniyang binubuhat.
Ito’y sa mga kabigatang kaya niyang bathin.
Ang lakas ng isang ama ay hindi sa dami ng babaeng kaniyang pina-ibig.
Ito’y kung gaano siya katapat magmahal sa kaniyang natatanging kabiyak.
Anong gandang pamayanan at bansa sana ang meron tayo, kung ang bawat ama ay may lakas na ganito. Nakakalungkot isiping karamihan sa mga ama sa ating bansa at halos sa buong mundo, ang lakas at kisig na kanilang pinagmamayabang ay naayon sa panuntunan ng mundo.
Kung ikaw ay isang ama, hindi pa huli ang lahat para pag-ibayuhin ang iyong lakas. Kung ikaw naman ay isang ina o anak, gumawa ng hakbang para tulungan ang inyong ama upang siya'y lumakas...
Note : Ang kathang "Ang Lakas Ng Isang Ama" ay likha ng ating mga kababayan mula sa 702-D.Z.A.S
Thursday, July 30, 2009
Sabi Nila
Sabi ni singkit tayo'y mga chimay,
Sa ating kasay-sayan, ito yung aliping-namamahay..
Sabi ni Sakang tayo'y mga libangan,
Hosto at Japayuki, ang tawag kadalasan..
Sabi naman ni balbas, tayo'y parausang alipin,
Pauuwiin kang nakakahon matapos abusuhin..
Sabi ni puti ang Pinoy daw ay bobo,
Wala siyang tiwala sa pinag-aralan mo..
Marami sa ating paaralan, hindi niya kinikilala
Sa bansa ni puti, diploma mo walang kwenta..
Sabi rin ni puti, kalakal ang ating katawan
Mail Order Brides, pinapa-deliver niya lang..
Sabi ng mundo, nangunguna ating mga pulitiko,
Sa pandarambong, kurapsyon at panloloko..
Ikaw, bilang Pinoy ano ang masasabi mo,
Sa sinasabi ng ibang lahi patungkol sa 'yo?
Masasabi mo pa bang, wala yan sa LOLO ko,
Kung ganto' ang imahe ng Pilipino sa mundo?
Ano ang ginagawa ng ating liderato para matigil na ang pangungutya ng ibang lahi sa 'tin? Bakit nila hinahayaang tayo ay lait-laitin? Kung may mga trabaho lamang sana sa ating bayan na may magandang pasahod... hindi na kaylangan pang mangibambayan, lumayo sa pamilya at mag-paalipin sa ibang lahi ang marami sa ating mga kababayan...
Sabi Nila
by goryo dimagiba : copy right © 2009
Saturday, June 13, 2009
Mumunting pangarap ni Pepe
Pangarap ni Pepe, tahanang maayos ang bubungan,
hindi yung tumutulo kapag umuulan
Pangarap ni Pepe, masustansiyang pagkain sa hapag-kainan,
hindi yung asin at mantika ang kadalasang ulam
Pangarap ni Pepe, maayos at bagong kasuotan,
pandagdag sa mga damit niyang pinaglumaan
Pangarap ni Pepe, bag na may drawing na TRANSFORMERS sa likuran,
hindi yung punda ng kanyang unan
Pangarap ni Pepe, maubos agad ang tindang kandila at sampaguita,
upang makapaglaro din kahit sandali lang
Pangarap ni Pepe, ROBOT na laruan,
isasakay niya sa kanyang latang trak-trakan
Pangarap ni Pepe, ispageti at hambur-jer kanyang matikman
kahit minsan lang sa kanyang kaarawan
Ilang Pepe pa ba, ang nanakawan ng karapatan? Ilang Pepe pa ba ang hihimlay nang hindi man lang nasisilayan ang pag-asa para sa kanyang mga pangarap?
Mumunting Pangarap ni Pepe
by goryo dimagiba : copy right © 2009
Friday, June 12, 2009
Pilipinas Kong Mahal
Ang Bayan Ko'y tanging Ikaw
Pilipinas kong mahal
Ang puso ko at buhay man
Sa Iyo'y ibibigay
Tungkulin ko'y gagampanan
Na lagi kang paglingkuran
Ang laya mo'y babantayan
Pilipinas kong hirang
Isang awiting maiksi, payak ngunit malalim, may puso at makabuluhan.
Marami tayong mga kababayang madalas awitin ang kantang ito. Para silang mga puppet na nakasuot ng baro at saya at bumubuka lang ang mga bibig upang masabayan ang letra ng kanta pero hindi nila alam ang tunay na kahulugan ng kanilang inaawit. Basta lamang mabigkas ang salita at masabayan ang tamang tono at tiyempo, ayos na sa kanila. Sila ay tatawagin nating; The Singing hunyango and buwaya. Walang puso puro bituka.
Subscribe to:
Posts (Atom)